Nang Umulan Sa Aking Dapithapon
Ulan kang malabo buhat himpapawid
Na umaampiyas sa limang kong isip,
Agad na naligo’t ginawa kang batis;
Nagtampisaw akong lihim at tahimik.
Giniginaw ako sa lamig mong handog,
Pigil ang hininga tuwing naghahamog
Ang buong paligid sa nakaw na sulok—
Gaano mang tagal sa pagkakabantod.
Kamalian ko bang niyakap ang patak
At ipinidestal sa lumikong landas?
Sabihin ang lahat huwag kang umiyak
Ako’y nakalaang kahit na mautas
Laging maghihintay paglinaw ng tubig
At ipanalanging ikaw ang pag-ibig.
Mayo 9, 2008
Other posts by Raul Funilas
Email this post to friends!




June 24th, 2008 at 5:28 am
Tata, sa simula, habang binabasa ko po ay inakala kong isa lang ito sa mga tulang diabetic na dati nang nababasa…pero napamangha ako sa akrostik! Para sa akin yun ang lagom ng tula. naroon na rin para saken ang sipa nung piyesa. Bihira ang nakagagawa ng piyesang nakatago ang buod at sustansya ng mensahe sa akrostik na nalikha.
June 23rd, 2008 at 11:39 pm
Salamat sa puna at papuri. Sana nakita rin ninyo ang akrostik ng tula.
May 11th, 2008 at 11:48 pm
nakakaiyak ang nalikhang atmospera. basa at maginaw. pero parang sa huli naitanong ko sa sarili ko, bakit nga ba ako umiiyak? (eto yata yung mga tula na kailangan ng diskusyon bago lunukin). opinyon lamang po.
May 10th, 2008 at 1:51 pm
May karapatan ang bawat isa na punahin ang aking tula lalo pa at ito ay makatutulong sa atin.Maraming salamat Charles.
Tata
May 9th, 2008 at 5:49 pm
may karapatan kaya akong magpuna sa iyong tula?
kung okey ka? magbibigay ako ng komentaryo
charles