Sa Mga Gabing Tulad Nito
Gising na naman ang gabi.
Hindi patutulugin ang antok na kaluluwa
Na walang magawa kundi makipaglaro
Sa mga alon na iginuhit ng balintataw.
Makikipagtitigan na naman sa mahikang tagibulag.
Dalhin ang isip sa ibayong lupain upang doon
Pansamantalang tumalampak at iwasan
Ang tagistis na laging kapiling sa madilim
Na silid na ito.
Nakakasawa na ang ganitong pag-iisa.
Bagama’t mapagmahal ako sa katahimikan
Ngunit hindi ang nakangingilong pitik
Ng orasang tinatakot ang aking mga sandali.
Bilangin ang pagluwas-suba ng mga alaalang
Tila kapeng nagpapatapang sa mabigat
Na talukap ng mata.
Mabuti pang magkape muli.
Damihan na lamang ang asukal upang maalalang
May matamis na bagay pa rin dito sa mundo.
Maging ang dilang natatakot tumikhim
Ng masarap na putahe, nakikipagsabwatan
Na sa tukil ng utak. Nagsusumiksik ang takot.
Patuloy ang pagdidikta sa talipyang pag-iisip
Na hindi naman masagot ang mga sariling katanungan.
Magsisilbing talabing ang kumot ng pag-iisa.
Itatago ang sarili sa liwanag. Nanaisin pang
Manahimik sa dilim at ariing himlayan
Ang higaang sinasalikop ng mga sagimsim.
Ang unan ay tila isinumpa sa gitna ng dilim.
Nababasag ang mga panaginip na pilit
Hinuhulma sa utak. Ngunit maging
Mga pangitain ay tila inagaw na ng karimlan.
Tuloy ang galugad sa pinakapusod ng aking
Imahinasyon at tunawin ang mga alaalang
Unti-unti nang naagnas sa malimit na giik
Sa hangganan ng katinuan.
Tuloy ang pag-iyak ng gabi.
Nanaghoy ang apat na sulok ng kuwarto.
Ang karpetadong sahig ay tila lumalapot
At umikid sa mga paa kong nababagot
Na sa paglalakbay na hindi pa matunton
Ang daang paroroonan. Doon kaya sa kawalan
Makikita ang mga kaganapan? Doon kaya
Sa panig na iyon at sundan ang liwanag
Na nililipad ng hangin patungo sa kawalan?
Other posts by Don Bustamante
Share this post with friends





April 27th, 2008 at 8:49 pm
Maraming salamat, fretzie. Ako naman ay nangangapa pagdating sa wikang banyaga. Mahina ako sa malalim na englis. Noon, sinubukan kong gumawa ng ilang tula sa english pero lumalabas na mukha lang ako nagkikuwento ng “Three Little Pigs”
April 26th, 2008 at 7:23 pm
natutuwa ako sa pagbasa ng iyong mga tula…
humahanga sa ginagamit na mga salita…
April 23rd, 2008 at 10:11 pm
Maraming salamat din po.
April 23rd, 2008 at 10:06 pm
clerical error: mamarapatin (syensya na po.)
at salamat. dagdag kaalaman na naman =)
April 23rd, 2008 at 10:03 pm
Tagistis po ay lumbay.
Tukil naman po ay siwang. Bagama’t sa ibang salita ay ginagamit ang tukil sa kahulugang alkansiya.
Thanks.
April 23rd, 2008 at 9:58 pm
tanong po kung mararapatin:
tagistis at tukil, ano ang ibig sabihin? =)