Pulubi sa Ilalim ng Tulay
Pulubi sa Ilalim ng Tulay
i.
Balat na hinayaan na sunugin ng araw.
Sinasalo ang bawat hampas ng hangin,
at kaalinsabay ang pagyakap sa patak ng ulan.
Inampon din ang pulmunya ng impis na katawan.
ii.
Marahil sinalubong ang bukang liwayway,
nang isang mahabang buntong hininga.
Na sana’y di na bumilang ang kaba…
Gayundin sa dibdib na namahay ang dalita.
iii.
Sa bawat higop ng kapeng maputla,
di malasahan ang tamis ng asukal na pula.
Sapat lang bang mainitan ang kulo ng sikmura,
na tinernuhan pa ng biskotsong luma.
iv.
Maestrong hinipan ang kanyang silindro,
at kinomposisyon ang awiting walang tono.
Ngunit madalang ang kalansing ng sentimo at piso,
di mayanig ang kalawanging lata sa trono.
v.
Hindi batid kung ano, saan ang wakas,
nitong propesyong nabubuhay sa limos.
Minsang naidlip sa kanyang pinagtagning karton,
hanggang makumutan ng peryodiko na ilan ay bumasa.
Other posts by M.R.Farala
Share this post with friends




