Lamentasyon ng Isang Abandonado
Nakikita ko ang mga malignong
Gumagambala sa aking panaginip
Magtalukbong man ako ng kumot
Ibaon ang sarili sa higaan
Naroon sila tulad ng iyong mukha
Na di ko makakalimutan
Nang ako’y iyong talikuran.
Bangungot ka sa aking gabi
Itatakwil man kita ay naroon
Nagpapakita, nagpaparamdam
Himbing ba ang iyong pagtulog
Nang sikmura ko’y kumukulo
Kumakalam. Tila may bombang sasabog
Ikaw ba’y nakasubo ng kutsara’t
Tinidor habang ako’y hangin
Ang hinihigop at nilalanghap
Puso ba’y may pintig
Dugo ba’y may lukso
Lintik na pagkakadugtong
Ng ating kaugatan
Nais kong baklasin ang aking kalamnan,
Durugin ng pinung-pino
Kalasin ang bawat ugat at himayhimayin
Paagusin ang dugo
Ipalamon sa bunganga mong
Puro pangako at kasinungalingan
Hindi ka handog ng Diyos
At ako’y hindi handog sa iyo
Ama lang kita at anak mo lang ako
Ang katotohanan na hindi ko alam
Kung bakit tayo magkakadugtong
Nawa’y ang kasagutan
Kulog at kidlat ang sasagot
Nang matahimik ang paghihimagsik
At hindi naman siguro bingi ang langit.
Other posts by Jack Alvarez
Share this post with friends




