Bukas ng gabi…
Pinipilit kong ang mga mata’y ipikit
Upang maidlip man lang kahit saglit
Ngunit sa isip kung anu-ano ang sumisingit
Sa sandaling ang mga mata’y ipinipikit
magdamag na sa kama ay nakahilata
ang katawan kong kanina pa nanlalata
sa dilim mga mata ko’y nangungulila
ngunit ang isip sa liwanag ay nahahalina
Wala naman sanang problemang iniisip
Kung bakit hindi maidlip ay hindi ko maisip
Saang sulok ng madilim na silid masisilip
ang daanan patungo sa aking pag-idlip
marami siguro ang tulad ko ngayong gabi
mga nagpupumilit na makatulog buong gabi
ngunit kayhirap ng mag-isa’t walang katabi
dito sa ibang bansa nagtitiyagang magsilbi
bukas ng gabi sana’y makatulog ng mahimbing
sa magandang panaginip sana’y mahumaling
‘yan ang sa Maykapal ay aking dinadalangin
Upang pagsikat ng araw mga mata’y may ningning…
Other posts by marcelino mallari
Share this post with friends





