Ped Xing
Sa pagkakalayo ng dalawang labing hindi
Magkakilala, mayroong sumisigaw.
Sa kabilang tainga ng babaeng katabi kong
Nakaupo sa pampasaherong dyip, mayroong
Bumubulong ngunit ‘di mawari kung ano.
Paulit-ulit. Nakakasuka.
Nakakabahing ang amoy.
Ang bulag na sanggol sa tabi ko ay nakangiti sa akin.
Nakakatakot. Nakakikilabot.
Sanggol na may tubig sa loob ng ulo,
Sakay ng dyip na mabaho at siksikan,
Patungong PGH.
(Patungong libingan.)
Sa kainitan ng tangahali ay may mga
Katawang nakakalat sa may abenida ng Taft.
Sa katirikan ng araw ay may nilalangaw
Na sanggol, duguan at nakadilat
Nang mawalan ng hininga.
Banggaan. ‘Di na marahil kinakailangan
Na isugod ang mga katawan sa ospital.
Nakatigil ang mundo, ang mga tao,
Nakikisimpatya sa maraming buhay
Na binawi rin agad-agaran.
Hindi na kailangan na magmadali,
Wala na rin sigurong maisasagip.
Other posts by Aubrey Bahala
Share this post with friends





